DOJ inirekomenda ang pagsasampa ng kasong criminal vs KAPA execs
Nakakita ng probable cause ang Department of Justice (DOJ) para sampahan ng kasong kriminal ang pitong opisyal at miyembro ng Kapa Community Ministry International dahil sa paglabag sa mga probisyon ng Securities Regulation Code (SRC).
Sa pahayag araw ng Martes, sinabi ng DOJ na nakakita ang panel of prosecutors ng probable cause para sampahan ng kaso sina Joel Apolinario, Reyna Apolinario at Margie Danao dahil sa umano’y pagbebenta o pag-aalok ng sale securities ng walang inihahaing registration statement sa Securities and Exchange Commission (SEC).
Dawit din sina Adelfa Fernandico, Moises Mopia, Marisol Diaz at Reniones Catubigan dahil sa partisipasyon sa iligal na pag-alok sa sale securities ng Kapa gamit ang social media at video sharing technology.
Ayon sa panel, ang scheme na ginamit ng Kapa ay ang classic Ponzi scheme, kung saan imposible ang pangakong return of investment sa mga investors.
Hindi naman tinanggap ng panel ang argumento ng respondents na ang investments ay ibinigay bilang religious donations.
Ang mga mahahatulang guilty sa paglabag sa SRC ay mahaharap sa multang hindi lalampas sa P5 milyon o pagkakakulong ng pito hanggang 21 taon, o maaari ring pareho.
Itinutulak naman ng SEC ang mas malaking multa laban sa KAPA officials dahil sa paggamit ng mga ito sa Facebook at YouTube sa kanilang investment scheme alinsunod sa Cybercrime Prevention Act of 2012.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.