Hinimok ni Interior Secretary Eduardo Año ang mga lokal na pamahalaan na may “low compliance” o bagsak sa ratings ukol sa clearing operations na ituloy at pagbutihin pa ang pag-aalis ng mga obstruction sa mga kalsada.
Nais ni Año na mas kumilos pa ang mga local government units (LGU) na hindi nakapasa sa national clearing road program.
Pahayag ito ng kalihim kasunod ng inilabas na validation results sa naturang programa.
Payo ni Año sa mga LGU, ang patuloy na clearing operation ang susi sa matagumpay na pagtatanggal ng mga sagabal sa mga lansangan.
Dapat anyang makuha ng mga LGU ang suporta ng mga opisyal ng barangay at kanilang mga constituents para maisagawa ang clearing operations.
“Sustained operations are the key to success in the road-clearing operations. You need to exert more effort by eliciting the support of your punong barangays and your constituents. But everything begins with the political will of the mayor,” pahayag ng opisyal.
Sa datos ng ahensya hanggang October 16, sa 1,516 na validated LGUs ay 387 ang nasa kategoryang high compliance rating, 635 ang medium compliance rating at 339 ang nasa ilalim ng low compliance.
Nasa 101 na lokal na pamahalaan naman ang bagsak ang rating at pinagpapaliwanag sa kabiguan sa clearing operations.
Binanggit ni Año ang Taguig city na halimbawa ng LGU na may “mobility plan” sa clearing operation kahit tapos na ang 60 araw na deadline.
Pinayuhan naman ng kalihim si Cebu Governor Gwendolyn Garcia na imbes na batikusin ang kampanya ng gobyerno ay gamitin nito ang kanyang kakayahan sa pagtulong sa pitong LGUs sa lalawigan para makasunod sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na ibalik sa mga mamamayan ang mga pampublikong kalsada.
Ito ay dahil isang syudad at anim na bayan sa Cebu ang nakakuha ng bagsak na rating sa inisyal na validation ng DILG.
Sinabi ni Año na magkakaroon pa ng validation sa Disyembre kaya kailangang ituloy ng LGUs ang clearing operations.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.