(Story updated) Nakabalik na ng bansa si Pangulong Rodrigo Duterte Martes ng gabi matapos putulin ang dapat sana ay dalawang araw na pagbisita sa Japan.
Natunghayan ng pangulo ang enthronement kay Japanese Emperor Naruhito ngunit hindi na ang banquet sa Imperial Palace.
Si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na ang humalili sa pangulo sa natitirang events sa Japan.
Ayon kay Sen. Christopher ‘Bong’ Go, dumating sa bansa ang pangulo eksakto alas-10:41 Martes ng gabi.
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, ang maagang pag-uwi ng presidente ay bunsod ng hindi matiis na sakit sa kanyang spinal column.
Dahil ito sa aksidente sa motorsiklo na kinasangkutan ng pangulo sa Malacañang Park.
Nakatakdang magpatingin sa neurologist ngayong araw ang pangulo.
“The palace announces that the president will cut short his trip to Japan due to unbearable pain in his spinal column near the pelvic bone as a consequence of his fall during his motorcycle ride last Thursday,” ani Panelo.
Sa video na ibinahagi ni Go, kinumpirma ng pangulo ang sakit na nararamdaman sa gulugod matapos ang kanyang pagsemplang sakay ng motor.
Iginiit naman ng senador na nasa mabuting kalagayan si Duterte at kahit sumemplang ito ay hindi pa rin ito titigil sa pagmomotor.
Samantala, pagkadating sa Villamor Airbase, ay dumiretso na ang presidente sa burol ni yumaong dating Senate President Aquilino ‘Nene’ Pimentel sa Heritage Park.