Mga ospital na hindi susunod sa Universal Health Care Law maaaring kasuhan
Ibinabala ng isang mambabatas ang posibilidad na maharap sa kaso ang mga ospital na hindi susunod sa implementasyon ng Universal Health Care (UHC) Law.
Ayon kay Anakalusugan Rep. Mike Defensor, isang krimen ang hindi pakikibahagi ng mga ospital sa UHC at malaki ang magiging epekto nito sa libu-libong mahihirap na Pilipino na umaasa sa mabilis na access sa health care.
Kung isasabotahe anya ng mga ospital ang UHC ay dapat na maharap ang mga ito sa multa at kaso.
Sakali mang hindi tumupad ang mga private hospitals sa UHC ay hindi siya magdadalawang isip na magpasa ng resolusyon para lagyan ng penal provision ang batas.
Sang-ayon din ang kongresista sa plano ng PhilHealth na linisin ang mga fake claims na nakakaubos sa pondo ng ahensya.
Dapat din aniyang higpitan na ito at gawing computerized upang sa gayon ay maging malinaw kung anong mga health claims na ginagamit at binabayaran ng PhilHealth sa mga ospital.
Ang pahayag ay kasunod ng banta ng 600 private hospitals na hindi na magrerenew ng accreditation sa PhilHealth dahil sa hindi nabayarang claims na aabot sa P2.5 billion.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.