Sa inilabas na abiso ng Mumbai police, 16 na dangerous selfie spots ang tinukoy.
Ito ay kasunod ng pagkalunod ng isang lalaki na tinangkang sagipin ang babaeng nahulog sa ilog habang nagse-selfie.
Kabilang sa mga lugar na ipinagbawal na ang pagse-selfie ay ang major tourist attractions na Girgaum Chowpatty beach at ang Marine Drive promenade.
Ayon kay deputy commissioner Dhananjay Kulkarni, sa ngayon labing anim na lugar pa lamang ang idinedeklarang delikado sa pagse-selfie pero maari pa aniya itong madagdagan.
Lumiham na rin ang pulisya sa mga municipal corporation doon para maglagay ng warning signs sa mga naideklarang lugar.
Sinabi ni Kulkarni na may mga pulis na itatalaga sa mga lugar at aabisuhan ang publiko na huwag silang mag-selfie doon dahil delikado.
Kamakailan lamang, isang babae at dalawang kaibigan nito ang nahulog sa Arabian Sea malapit sa Bandra Bandstand habang nagse-selfie.
Ang 37 anyos naman na si Ramesh Walanju na nakakita sa pangyayari ay agad sumaklolo para sagipin ang mga nahulog, nagawa niyang mailigtas ang dalawa, pero siya ay tuluyan nang nalunod at nasawi.
Isa pang babae ay nananatiling nawawala.
Noon namang nakaraang buwan, isang Pakistani ang nasawi sa Rawalpindi matapos masagasaan ng tren habang nagse-selfie sa riles.