Ang disenyo ng proyekto na nagkakahalaga ng P2.8 billion ay pormal na iprinisinta sa isang programa sa Supreme Court Session Hall Martes, Oct. 22 ng umaga.
Ang programa ay dinaluhan nina Acting Chief Justice Antonio Carpio, Associate Justices Diosdado Perala, Alexanter Gesmundo, iba pang mahistrado gayundin si Court Administrator Midas Marquez.
Sa kanyang keynote speech, sinabi ni Carpio na matapos ang walong groundbreaking ceremony sa magkakaibang lugar, ang pinakahuli ay noong 2012, matutuloy na rin ang konstruksyon ng proyekto.
Itatayo ang Manila Hall of Justice sa lumang gusali ng GSIS sa Arroceros Street sa Maynila.
Wala pa sa ngayon na sariling hall of justice ang Maynila.
Ang mga hukuman sa lungsod ay magkakahiwalay na matatagpuan sa Manila City Hall, sa lumang gusali ng Ombudsman at sa old Masagana building sa kanto ng Kalaw at Taft Avenue.
Pagmamalaki naman ni Marquez, environment-friendly ang itatayong gusali na may tatlumpung palapag.
Tiniyak din nila na nakatalima ang korte sa National Heritage Law of 2009 dahil ang Old GSIS Bldg. ay itinuturing nang makasaysayan at kinakailangang mapangalagaan.
Taong 1982 pa nang simulan ang pagpaplano ng konstruksyon ng Manila Hall of Justice.
Sa lalong madaling panahon ay sisimulan na ang bidding para sa kontraktor na magtatayo nito, at ang prosesong ito ay inaasahang tatagal ng anim na buwan.
Sa oras na matapos ang bidding, agad na sisimulan ang konstruksyon na tatagal naman ng tatlumpung buwan.