101 LGUs pinadalhan ng show cause order ng DILG dahil sa kabiguang makatugon sa clearing operations

Pinadalhan na ng show cause order ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang 101 local government units (LGUs) na nabigong makasunod sa utos na clearing operations.

Ayon kay DILG spokesperson, Undersecretary Jonathan Malaya, ang bilang ng mga LGUs na hindi nakatugon ay matapos ang isinagawang evaluation ng kagawaran sa isinumiteng accomplishment reports ng 1,516 LGUs sa ginawa nilang paglilinis sa loob ng 60 araw.

Ani Malaya, nakapagtala sila ng 22 percent na pagtaas sa mga “low-compliant” na LGUs habang 28 percent sa “medium-compliant”.

Matapos maipalabas ang show cause order, ay hihintayin ng DILG ang magiging tugon at paliwanag ng mga lokal na opisyal.

Kailangan nilang ipaliwanag kung bakit hindi sila nakatugon sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na linisin ang kanilang nasasakupan sa road obstructions.

Samantala, sinabi ni DILG Undersecretary for Barangay Affairs Martin Diño na mayroon din silang ipalalabas na show cause orders sa 99 mga opisyal ng barangay sa Maynila.

Read more...