Sa pahayag, sinabi ng DFA patuloy na binabantayan ng mga opisyal ng Philippine Embassy sa Rome ang kondisyon ng 19 na Filipino na nasangkot sa aksidente habang sakay ng pampublikong sasakyan sa Via Cassia noong October 16.
Ayon kay Chargé d’Affaires, Candy S. Cypres-Bauzon, natukoy na nila ang pagkakakilanlan at mayroon na silang contact details ng mga sugatang Pinoy.
Siyam sa kanila ang nakausap na ng embahada at tiniyak naman ng mga ito na agad silang nakatanggap ng medical attention matapos ang aksidente.
Kwento ng mga Pinoy, nagtamo sila ng matinding muscle trauma.
Tatlo sa kanila ay nasugatan sa noo at may dalawang nagtamo ng bali sa balikat at binti.
Base naman sa pahayag ng mga duktor na sumuri sa mga Pinoy, wala naman sa kanila ang nasa kritikal na kalagayan.
Tiniyak ng embahada na patuloy itong makikipag-ugnayan sa mga otoridad sa Italy para sa ginagawang imbestigasyon hinggil sa dahilan ng aksidente.
Handa rin ang embahada sa anumang tulong na kakailanganin pa ng mga naapektuhang Pinoy.