Ayon kay Cabatbat, umasa na ang mga rice farmers na gagawa ng hakbang ang pamahalaan para masolusyunan ang patuloy na pagbagsak ng presyo ng palay na dulot ng Rice Tariffication Law.
Nangangamba ang kongresista na kapag naging desperado ang mga magsasaka ay mapipilitan silang mamundok at magrebelde laban sa gobyerno.
Bukod kasi aniya sa matinding pagkadismaya sa kawalan ng proteksyon laban sa pagbaha ng imported na bigas, nagkapatong-patong na ang utang ng mga magsasaka at wala na silang kikitain ngayong harvest season.
Giit pa ni Cabatbat, bilang kaalyado ng administrasyon sa pagpapabuti ng agriculture sector ay ginawa na nito ang lahat para pahupain ang negatibong epekto ng batas gaya ng pagpapa-review dito at pagsiguro sa budget briefings na sa tamang programa mapupunta ang alokasyon.
Maituturing anya na pagtatraydor sa milyun-milyong magsasaka kung hindi itutuloy ng pamahalaan ang implementasyon ng safeguard duties na magpapatunay sana na may pakialam ang Malacañang sa kanilang hinaing.