Nanindigan ang PhilHealth na “fully paid” na ang reimbursement claims ng ilang pribadong ospital sa gitna ng banta ng mga ito na huwag mag-renew ng accreditation sa ahensya.
Pahayag ito ni PhilHealth President Ricardo Morales kasunod ng banta ng Private Hospital Association of the Philippines (PHAPi) na hindi na sila magpapa-accredit sa PhilHealth simula sa Enero ng susunod na taon.
Inireklamo ng grupo ang utang umano ng PhilHealth sa mga private hospitals na nasa P2.5 billion.
Ayon kay PHAPi president Dr. Rustico Jimenez, wala silang pagkukuhanan ng pondo para sa pasweldo at gastos sa operasyon kung hindi umano sila binabayaran ng PhilHealth.
Pero sinabi ng PhilHealth na may mga ospital na may problema sa pagproseso ng mga forms.
May kinalaman umano ang problema sa information system kaya nasa gitna na ng computerization ang ahensya.