Nakumpiska ng pinagsanib na pwersa ng PDEA – NCR at Northern Police District ang aabot sa P2 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa isinagawang buy-bust operation sa bahagi ng East Grace Park, Caloocan City, Lunes ng hapon.
Arestado sa nasabing operasyon ang target na si Kenjie Martin, isang 18 anyos na estudyante at kanyang mga kasabwat na sina Jay-R Repol, 25 anyos; Tonton Francia, 21 anyos; at Jason Luza, 23 anyos.
Nakipagtransaksyon sa mga suspek ang poseur buyer na PDEA agent malapit sa isang gasolinahan sa kahabaan ng 4th avenue.
Nagpositibo ang transaksyon at agad na hinuli ang apat.
Nakuha sa mga ito ang 3 plastic packs ng hinihinalang shabu na may bigat na halos 300 gramo at may standard price na P2,040,000, isang smartphone at buy-bust money.
Mahaharap ngayon ang mga suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.