14 na pulis na nakatalaga sa Bilibid iniimbestigahan dahil sa pagpuslit ng kontrabando

Iniimbestigahan ang 14 na pulis na dagdag-pwersa sa New Bilibis Prison (NBP) matapos mahuling nagpupuslit ng iligal na mga bagay sa kulungan.

Bukod sa isyu ng “ninja cops” o mga pulis na sangkot sa drug recycling, bagong kontrobersya sa Philippine National Police (PNP) ang pagpapasok ng kontrabando ng police augmentation force sa NBP.

Nabatid na nagpuslit ng mga cellphone sa NBP ang mga pulis na may ranggong patrolman hanggang corporal.

Una nang nalaman ng mga opisyal ng NBP na ilang miyembro ng PNP ang nagpapasok ng pagkain sa kulungan para ibenta o ibigay sa mga inmates.

Samantala, dalawa namang pulis mula sa Special Reaction Unit ng Southern Police District at Northern Police District ang iniimbestigahan din dahil sa pagpapasok ng mga sigarilyo at alak sa loob ng NBP.

Kinumpirma ni PNP Spokesman Brig. Gen. Bernard Banac ang nasabing ulat sabay pagtitiyak na hindi ito kukunsintihin ng pambansang pulisya.

Ayon kay Banac, papanagutin ang pulis kapag napatunayan ang akusasyon ng pagpapasok ng kontrabando sa Bilibid.

 

Read more...