Mga nasimulan ni dating Senate President Nene Pimentel hindi masasayang ayon sa mga kongresista

Hindi masasayang ang mga nasimulan ni dating Senate President at Father of Local Government Code Aquilino “Nene” Pimentel.

Ito ang pahayag ng mga kongresista kasunod ng pagpanaw ng dating senate president.

Sinabi ni House Minority Leader Benny Abante na nakikiisa siya sa pagluluksa ng sambayanan sa pagkawala ng isang tunay na public servant na hanggang sa huli ay nanindigan sa kanyang pinaniniwalaan at pagiging makabayan.

Sinabi ni Abante na ikinararangal niyang maging kaibigan si Pimentel na malaki ang naging kontribusyon sa mga kasamahan at sa Philippine legislation para maibalik ulit ang demokrasya sa bansa matapos ang EDSA revolution.

Nagpasalamat naman si Deputy Speaker Bro. Eddie Villanueva sa hindi pagsuko ni Pimentel sa kanyang ipinaglalaban at hiniling na huwag itong masayang at maipagpatuloy pa sa paghikayat sa mga future leaders ng bansa.

Samantala, inalala naman ni Deputy Speaker Loren Legarda ang pagiging matulungin ni Pimentel sa mga kapwa mambabatas kahit sa mga baguhan sa pulitika.

Laking panghihinayang naman ni Deputy Minority Leader Carlos Zarate dahil ito ang isa sa lumaban sa diktaturyang Marcos at nakipaglaban sa karapatang pantao.

Umaasa sila na may mga susunod pa sa yapak at mga nasimulan ni Pimentel.

Read more...