Ayon kay Yap, chairman ng House Committee on Games and Amusement, makakasanayan ng POGO firms na huwag munang magbayad na maaaring mauwi pa sa areglo kapag hindi pinatawan ng penalty at iba pang dagdag na multa.
Sinabi nito na aalamin niya ang umiiral na proseso at regulasyon laban sa online gaming companies at iba pang establisyimento na hindi nagbabayad ng buwis para mas paigtingin ang parusa.
Ikinatuwa naman nito ang pagpapasara sa isa na namang kumpanya na hindi nagbayad ng buwis na nagkakahalaga ng 100 million pesos.
Ito ay ang Altech Innovations Business Outsourcing na may opisina sa Parañaque at Pasay City na mayroong hindi bababa sa isanlibong Chinese nationals na empleyado.
Ang pahayag ay ginawa ng mambabatas matapos muling makapag-operate ang Great Empire Gaming and Amusement Corporation na unang ipinasara ng BIR noong nakaraang buwan pero binuksan nang mabayaran na ang tax deficiencies.