NDRRMC: Bilang ng nasaktan sa lindol sa Mindanao umakyat na sa 208

Pumalo na sa 208 ang bilang ng nasaktan sa magnitude 6.3 na lindol na tumama sa Mindanao noong Miyerkules.

Ito ay ayon sa pinakahuling datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) alas-6:00 ng gabi ng Linggo.

Karamihan sa 208 na nasaktan ay mula sa Davao Region, Soccksargen at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Pawang nagtamo ng minor injuries ang karamihan sa mga nasaktan sa lindol.

Nananatili naman sa anim ang bilang ng nasawi.

Ayon pa sa NDRRMC, umabot na sa 4,151 pamilya o 20,755 katao mula sa 79 baranggay ang naapektuhan ng lindol.

Samantala, umabot na sa 2,995 ang bilang ng imprastraktura na napinsala ng lindol kung saan 2,494 ay partially damaged at 482 ang talagang wasak.

Ayon kay NDRRMC Spokesperson Mark Timbal, patuloy ang assessment ng mga awtoridad sa lawak ng pinsala para malaman ang kabuuang halaga ng gagastusin para sa rehabilitasyon.

Sinabi pa ni Timbal na nakapagbigay na si NDRRMC executive director Usec. Ricardo Jalad ng P20,000 halaga ng tulong sa mga biktima ng lindol para sa pagtatayo ng kanilang mga bahay.

Read more...