Publiko pinayuhang huwag magpapaniwala sa mga pekeng balita ukol sa lindol
Pinayuhan ng Office of the Civil Defense (OCD) at National Disaster Risk Reduction and Management Council ang publiko na huwag magpapaniwala sa mga hindi beripikadong balitang nababasa sa social media.
Ito ay matapos kumalat ang hoax messages na isa pang lindol ang magaganap kasunod ng magnitude 6.3 na lindol na yumanig sa Tulunan, North Cotabato.
Sa advisory ng OCD Linggo ng gabi, iginiit na hindi naglalabas ang NDRRMC ng mga prediksyon ukol sa lindol.
Wala pa umanong teknolohiya na magagamit para malaman kung magkakalindol.
Ayon sa OCD, kailanman ay hindi magpapakalat ang NDRRMC ng mga mensahe na magdudulot lang ng takot sa mga mamamayan.
Dahil dito, pinayuhan ang publiko na huwag pansinin ang mga kahalintulad na mensahe at huwag na ring ipasa pa sa iba.
Para sa mga tamang impormasyon, hinimok ang publiko na bisitahin ang NDRRMC website sa ndrrmc.gov.ph at ang Facebook page ng OCD na Civil Defense PH.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.