Bagyong Perla, nakalabas na ng PAR

Photo grab from PAGASA’s website

Tuluyan nang nakalabas ang Bagyong Perla ng Philippine Area of Responsibility (PAR) bandang 5:00, Linggo ng hapon.

Ayon kay PAGASA weather specialist Aldczar Aurelio, taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 130 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 160 kilometers per hour.

Tinatahak ng bagyo ang direksyong Hilaga Hilagang-Silangan sa bilis na 30 kilometers per hour.

Dahil dito, nakataas pa rin ang gale warning sa Batanes, northern coast ng Cayagan kasama ang Babuyan Group of Islands at northern coast ng Ilocos Norte.

Ani Aurelio, asahan pa rin ang pabugso-bugsong ulan at malakas na hangin sa extreme Northern Luzon dahil sa northeasterly surface windflow.

Samantala, isang panibagong bagyo ang binabantayan ng weather bureau sa labas ng bansa.

Ang bagyo na may interntional name na Bualoi ay huling namataan sa layong 2,695 kilometers Silangang bahagi ng Visayas bandang 3:00 ng hapon.

Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 100 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 125 kilometers per hour.

Posible aniyang lumakas pa ang bagyo habang binabagtas ang direksyong Kanluran Hilagang Kanluran sa bilis na 20 kilometers per hour.

Sinabi ni Aurelio na mababa naman ang tsansa na pumasok sa PAR ang bagyo kung hindi magbabago ang direksyon nito.

Read more...