Palasyo, nagpaabot ng pakikiramay sa pamilyang naulila ni ex-Senate Pres. Pimentel
Nagpaabot ng pakikiramay ang Palasyo ng Malakanyang sa pamilyang naulila ni dating Senate President Aquilino ‘Nene’ Pimentel Jr.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Presidential spokesman Salvador Panelo na malungkot ang araw na ito para sa bansang Pilipinas.
Nakikiisa aniya ang Palasyo sa pagdadalahmati ng bayan.
Kasabay nito, nagpapasalamat ang Palasyo sa serbisyong inialay ni Pimentel para sa bayan.
Hindi maikakaila, ayon kay Panelo, na naging kilala si Pimentel sa matapang at maprinsipyong track record sa public service.
Habang buhay na aniyang nakaukit sa kasaysayan ng Pilipinas na isa si Pimentel sa higanteng personalidad na naging champion sa pagsusulong ng demokrasya, electoral reform, at malakas na local governance.
Bilang ama ng local government code, ibinigay aniya ni Pimentel ang kaniyang kaalaman at boses para mabigyan ng empowerment ang local government.
Nagpapasalamat din aniya ang administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa pagsali nito sa gobyerno bilang isa sa mga miyembro ng consultative committee na naatasang mag-review ng 1987 Constitution para sana sa Pederalismo.
Ipinapanalangin aniya ng Palasyo na pagkalooban si Pimentel ng maayos na paglalakbay sa kabilang buhay.
Ayon pa kay Panelo, maaring bumisita si Pangulong Duterte sa burol ni Pimentel.
Hindi maikakaila, ayon kay Panelo, na naging ugali na ni Pangulong Duterte na personal na makiramay sa pamilyang nauulila ng kaniyang mga kaibigan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.