Pahayag ito ng Palasyo ng Malakanyang matapos ilabas ng Senate Blue Ribbon Committee ang resulta ng imbestigasyon kung saan guilty at dapat na hatulan ng life imprisonment si dating Philippine National Police (PNP) chief Oscar Albayalde dahil sa pagkakasangkot sa ninja cops o ang mga pulis na sangkot sa pagre-recycle o pagbebentang muli ng mga nakukumpiskang ilegal na droga.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Presidential spokesman Salvador Panelo na malinaw ang polisiya ni Pangulong Rodrigo Duterte na itutulak niya at hahabulin hanggang sa katapusan ng mundo ang sinumang sangkot sa ilegal na droga para managot sa batas.
Sa ngayon, sinabi ni Panelo na bahala na ang korte na umaksyon sa rekomendasyon ng Senate Blue Ribbon Committee.
Sinabi pa ni Panelo na hihintayin muna ni Pangulong Duterte ang magiging rekomendasyon naman ng Department of Interior and Local Government (DILG).
Mas makabubuti aniyang pagulungin na muna ang kaso sa korte.