Fast-attack submarine ng US, dumaong sa Subic

 

Allan Macatuno/Inquirer Northen Luzon

Dumating na sa Subic Bay ang Los Angeles-class fast-attack submarine USS Topeka (SSN 754), araw ng Martes.

Naka-dock na sa Alava Pier alas-10 pa lang ng umaga ang USS Topeka, ilang oras bago pa man pagtibayin ng Korte Suprema ang ligalidad ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.

Ayon sa US Embassy to Manila, ang pagdadala ng naturang submarine sa Subic ay bilang bahagi ng Philippine stage ng kanilang Indo-Asia Pacific deployment routine.

Ang Topeka ay nakatakdang magsagawa ng mga misyon at panatilihin ang proficiency ng mga kapabilidad nito.

May laking mahigit 91 meters at bigat na 6,000 ang Topeka na may sakay na 160 sailors.

Dahil sa taglay nitong modern engineering, maari itong magamit hanggang mahigit sa 243 meters na lalim sa bilis na 46 kilometers per hour.

Una dito, dumating din ang Virginia-class fast-attack submarine USS Texas sa Subic noong January 5 bilang bahagi rin ng Indo-Asia Pacific deployment.

Mas malaki ang Texas sa sukat na 114 meters na laki at 7,800 tons na bigat na may kakayahang sumabak sa antisubmarine warfare, antisurface ship warfare, strike, surveillance and reconnaissance, irregular warfare, mine warfare at shallow water operations.

Karamihan sa mga crew members ng Topeka ay ngayon lamang naranasang makabisita sa Pilipinas, pero marami rin sa kanila ay may dugong Pilipino na lumaki na lamang sa Amerika.

Sa pinirmahang EDCA ng US at ng Pilipinas noong nakaraang taon, pinapayagan ang US na palawigin ang kanilang presensya sa bansa sa pamamagitan ng pagtatayo ng kanilang sariling pasilidad.

Read more...