Palasyo, handang tumalima sa Mamasapano reinvestigation

 

Inquirer file photo

Handa ang Malacañang na makipag-ugnayan sa Senado sa isyu ng muling pagbubukas ng imbestigasyon sa Mamasapano incident.

Gayunman, nilinaw ni Communicions Secretary Sonny Coloma na noon pa man ay naipaliwanag na ng Pangulong Benigno Aquino III ang panig nito sa naturang isyu.

Simula pa noon aniya, naging bukas na ang pamahalaan sa paglilinaw ng mga kaganapan sa likod ng Mamasapano operation.

Nakumpleto rin aniya ng gobyerno ang pagharap sa mga imbestigasyon ng PNP Board of Inquiry maging sa Kongreso, Department of Justice, NBI at Ombudsman.

Giit pa ni Coloma, naipaliwanag na rin ni Pangulong Aquino ang kanyang panig sa serye ng mga talumpati na ginawa nito sa pagitan ng January hanggang March noong nakaraang taon.

Gayunman, hindi naman kinumpirma ni Coloma kung handa ang pangulo na humarap sa Senate reinvestigation kung iimbitahan ito ng mga mambabatas.

Matatandaang muling bubuksan ang imbestigasyon ng Mamasapano incident sa January 25 base sa hiling ni Senate Minority leader Juan Ponce Enrile.

Ayon kay Enrile, tututok ang reinvestigation sa lalim ng naging partisipasyon ng Pangulong Aquino sa Mamasapano incident.

Read more...