Lamang ni VP Robredo kay Marcos tumaas pa matapos ang recount ng PET sa tatlong pilot provinces

Tumaas pa ang lamang ni Vice President Leni Robredo kay dating Senador Bongbong Marcos sa 2016 vice presidential race matapos ang ginawang recount ng Presidential Electoral Tribunal (PET).

Sa recount sa tatlong pilot provinces na napili ni Marcos sa kaniyang isinulong na protesta partikular ang Camarines Sur, Iloilo, at Negros Oriental, nadagdagan pa ng mahigit 15,000 ang lamang ni Robredo.

Mula sa dating 263,473 ay naging 278,555 na ang lamang ni Robredo kay Marcos.

Nakasaad ito sa dissenting opinion nina Supreme Court Acting Chief Justice Antonio Carpio at Associate Justice Benjamin Caguioa.

Ito ang dahilan kaya iginigiit nina Carpio at Caguioa na ipatupad ng na ang itinatakda ng Sec. 65 ng PET rules.

Sa nasabing panuntunan, kapag nabigo ang nagprotesta na makalamang sa pinili niyang tatlong pilot areas ay dapat ibasura na ng PET ang poll protest.

Magugunitang nagpasya ang mayorya ng mga mahistrado ng SC na hingan muna ng komento ang kampo nina Robredo at Marcos sa report ni Caguioa sa halip na agad ibasura ang protesta.

 

 

 

Read more...