10 patay sa terror attack sa Istanbul Turkey

Istanbul
AP photo

Sampu ang patay samantalang labing-limang iba pa ang sugatan sa naganap na pagsabog sa Central Square sa Istanbul Turkey.

Naganap ang pagsabog sa lugar na pasyalan ng mga turista sa Sultanahmet District na sinasabing isa sa mga pinaka-ligtas na lugar sa Istanbul dahil sa dami ng mga tauhan ng pulisyang nagbabantay.

Sa lakas ng pagsabog ay nabasag din ang mga salamin ng mga tindahan sa lugar.

Mabilis namang sinabi ni Istanbul Governor Vasip Sahin na kagagawan ng ISIS ang nasabing panibagong terror attack sa kanilang lugar.

Kaagad nilang isina-ilalim sa kontrol ng militar ang lugar sa pangambang baka masundan pa ang nasabing pagsabog.

Noong October 2015 ay dalawang magkahiwalay na pagsabog naman ang naganap sa isang peace rally sa Ankara District kung saan ay 100 katao ang namatay.

Nauna dito ay binatikos ng ilang militante ang Turkish government dahil sa pagpayag nito sa paglusob ng American troops sa ilang pinaniniwalaang kuta ng ISIS sa Southern Turkey.

Read more...