Kaso ng ASF nakumpirma sa Dasmariñas, Cavite, 21 baboy na ang namatay

Kumpirmadong may kaso na ng African Swine Fever (ASF) sa dalawang lugar sa Dasmarinas, Cavite.

Ayon kay Agriculture Secretary William Dar, “very minimal” naman ang kaso sa Cavite kaya inaasahang madali lang itong maawat at hindi na kakalat pa.

Samantala, sinabi ni Cavite Governor Jonvic Remulla na ang kaso ng ASF ay naitala sa Barangay Bergado at Barangay Salawag.

Ang unang kaso ay naitala noong Linggo ng hapon at sa isinagawang pagsusuri noong Lunes ng umaga ay nakumpirmang ASF nga ang tumama sa mga alagang baboy.

21 baboy na ani Remulla ang nasawi sa dalawang barangay dahil sa ASF.

Nagpatupad naman na ng 1-7-10 protocol ang DA sa Dasmarinas para maiwasan na ang pagkalat ng sakit.

Nagtalaga na ng quarantine checkpoints sa mga lugar na sakop ng 1-kilometer radius mula sa apektado ng babuyan; sumasailalim sa surveillance at limitado ang animal movement ng nasa 7-kilometer radius, habang inatasan ang mga magbababoy na nasa 10-kilometer radius na agad iulat sa mga otoridad kapag may nagkasakit silang alaga.

Isasailalim din sa pagkatay ang mga baboy na nasa loob ng 1-kilometer radius.

Read more...