Pinagtibay ng Supreme Court ang constitutionality ng kontrobersiyal na Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA)

By Den Macaranas January 12, 2016 - 07:20 PM

EDCA
Inquirer file photo

Pinagtibay ng Supreme Court ang Constitutionality ng kontrobersiyal na Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).

Sa botong 10-4-1, sinabi ni Supreme Court Spokesman Atty. Theodore Te na ginamit na batayan sa kauna-unahang en banc session sa taon ng Mataas na Hukuman ang Arcticle 18, section 25 ng ating Saligang-Batas.

Nakasaad doon na pinapayagan ng ating Konstitusyon na pumasok ang Pangulo ng bansa sa isang executive agreement sa ibang bansa na may kinalaman sa pagpapa-unlad ng kasanayang militar pero hindi nangangahulugan ng pagkakaroon ng military bases sa Pilipinas.

Sa ilalim ng kasunduan sa EDCA na pinagtibay sa pagitan ng Pamahalaan at ng U.S ay pinapayagan ang pagkakaroon ng rotational presence ng American troops sa bansa.

Laman din ng kasunduan na pinirmahan sa pagdating sa bansa ni U.S President Barrack Obama noong April 2014 na pinapayagan ang pag-pasok ng mga American military hardware sa bansa.

Nakapaloob din dito na pinapayagang makapasok ang mga U.S civilian personnel, defense contractors, mga barko at eroplano loob ng sampung taong kasunduan.

Sa inilabas na en banc decision ay nangangahulugan ng tuluyang pagbasura sa petisyong inihain nina dating Senador Rene Saguisag, Wigberto Tañada at ng grupong Bayan Muna.

Ilang minuto makaraan ang anunsyo ng Supreme Court ay kaagad na nagpalabas ng pahayag ang U.S Embassy.

Kanilang sinabi na ang EDCA ay lalo pang magpapa-tatag sa U.S – Philippines bilateral relationship kung saan ang magkabilang panig ay parehong makikinabang lalo na sa pagpapalakas ng military training ng dalawang bansa.

Mapapabilis din ayon sa pahayag ng U.S Embassy ang pagpapadala ng humanitarian assistance sa bansa sa pamamagitan ng nasabing kasunduan.

TAGS: EDCA, Malacañang, Supreme Court, U.S, EDCA, Malacañang, Supreme Court, U.S

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.