Ayon kay Gaite, hindi dapat payagan na i-extend ang probationary period dahil lalo nitong pagkakaitan ng karapatan ang mga manggagawa sa security of tenure at pagtanggap ng mga benepisyo.
Sapat na aniya ang anim na buwan para matukoy ng isang employer na karapat-dapat sa trabaho ang isang kawani at may kakayahan itong gampanan ang tungkulin.
Giit ng kongresista, kung pahahabain pa ang probationary period ay tatagal lang ang panahon na walang kasiguraduhan ang employment status ng manggagawa kaya mas lalala pa ang kontraktwalisasyon sa halip na tuldukan ito.
Ikinababahala ni Gaite ang House Bill 4802 na inihain ni Probinsyano Ako Party-list Rep. Jose Singson Jr. na suportado ng Department of Labor and Employment dahil pinahihintulutan nito ang mga kumpanya na iwasan ang automatic regularization ng mga personnel matapos ang anim na buwang probationary period.
Binanggit ni Singson sa explanatory note ng panukala na hindi sapat ang six-month period lalo na para sa mga posisyong kailangan ng espesyal na kakayahan kaya ang kadalasang nangyayari ay natatanggal sa trabaho ang mga empleyado bago ang expiration ng probation.