Panukala na gawing dalawang taon ang probationary period ng isang empleyado inalmahan ng Makabayan bloc sa Kamara

By Erwin Aguilon October 18, 2019 - 09:20 AM

Pumalag si Bayan Muna Rep. Ferdinand Gaite sa panukalang gawing dalawang taon ang probationary period sa mga manggagawa bago maging regular sa trabaho.

Ayon kay Gaite, hindi dapat payagan na i-extend ang probationary period dahil lalo nitong pagkakaitan ng karapatan ang mga manggagawa sa security of tenure at pagtanggap ng mga benepisyo.

Sapat na aniya ang anim na buwan para matukoy ng isang employer na karapat-dapat sa trabaho ang isang kawani at may kakayahan itong gampanan ang tungkulin.

Giit ng kongresista, kung pahahabain pa ang probationary period ay tatagal lang ang panahon na walang kasiguraduhan ang employment status ng manggagawa kaya mas lalala pa ang kontraktwalisasyon sa halip na tuldukan ito.

Ikinababahala ni Gaite ang House Bill 4802 na inihain ni Probinsyano Ako Party-list Rep. Jose Singson Jr. na suportado ng Department of Labor and Employment dahil pinahihintulutan nito ang mga kumpanya na iwasan ang automatic regularization ng mga personnel matapos ang anim na buwang probationary period.

Binanggit ni Singson sa explanatory note ng panukala na hindi sapat ang six-month period lalo na para sa mga posisyong kailangan ng espesyal na kakayahan kaya ang kadalasang nangyayari ay natatanggal sa trabaho ang mga empleyado bago ang expiration ng probation.

TAGS: labor force, PH breaking news, Philippine News, probationary period, security of tenure, Tagalog breaking news, tagalog news website, workers, labor force, PH breaking news, Philippine News, probationary period, security of tenure, Tagalog breaking news, tagalog news website, workers

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.