Higit P500M na halaga ng hinihinalang shabu, nasamsam sa Samar

Nakumpiska ng Provincial Drug Enforcement Unit PNP Western Samar ang 44 packs ng hinihinalang shabu sa isang checkpoint sa Gandara, Samar Huwebes ng hapon.

Batay sa ulat, napansin ng mga otoridad ang plastic packs sa loob ng dalawang padaan na kotse sa checkpoint ng pulisya sa lugar bandang 4:30 ng hapon.

Dahil dito, pinababa ang mga sakay ng sasakyan at nakuha ang mga umano’y ilegal na droga.

25 blue packs ang nakuha sa unang sasakyan habang karagdagang 19 packs ng shabu sa ikalawang sasakyan.

Naglalaman ang bawat pack ng dalawang kilo ng hinihinalang shabu.

Dahil dito, umabot sa kabuuang 88 kilo ang nakuhang shabu sa anim na suspek na batay sa Dangerous Drug Board, ito ay may street value na P528 milyon.

Nakilala ang mga suspek na sina Cesar Uy, Jarred Axcel Elaran, Steven Perez Abella, Leonard De los Reyes, Elbert Abella at Jeralou Rapuela Ylaborte.

Batay sa inisyal na ulat ng pulisya, nagmula ang mga sasakyan sa Calbayog City at patungo sana sa Tacloban City.

Hinihintay pa ang resulta ng pagsusuri ng PNP Crime Laboratory sa Palo, Leyet para malaman kung shabu nga ang nakuha sa mga suspek.

Read more...