Bagyong Perla, napanatili ang lakas habang nasa karagatan ng bansa
Napanatili ang lakas ng Tropical Depression Perla habang binabagtas ang karagatan ng bansa.
Batay sa 11:00 pm weather bulletin ng PAGASA, huling namataan ang bagyo sa layong 830 kilometers Silangan Hilagang-Silangan ng Aparri, Cagayan bandang 10:00 ng gabi.
Taglay pa rin nito ang lakas ng hanging aabot sa 55 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 70 kilometers per hour.
Mabagal naman ang takbo ng bagyo sa direksyong pa-Hilaga.
Ayon kay PAGASA weather specialist Ezra Bulquerin, posibleng manatili sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyo hanggang sa araw ng Linggo bandang 8:00 ng gabi.
Dahil dito, inaasahang makararanas ng kalat-kalat na pag-ulan, pagkidlat at pagkulog sa bahagi ng Batanes, Cagayan kasama ang Babuyan Group of Islands at Apayao.
Wala pa rin naman aniyang direktang epekto ang Bagyong Perla sa bansa.
Maliit din aniya ang tsansa na lumakas pa ang bagyo at maging tropical storm.
Nagbabala rin ang weather bureau na nakataas ang gale warning sa seaboards ng Northern Luzon.
Dahil dito, sinabi ni Bulquerin na mapanganib pang pumalaot ang mga sasakyang pandagat sa Batanes, Cagayan kasama ang Babuyan Group of Islands, Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union at Pangasinan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.