PAGASA: Bagyong Perla wala pang direktang epekto sa bansa

Nananatiling malayo sa landmass ang Tropical Depression Perla kaya’t wala pa itong direktang epekto sa bansa.

Ayon sa 5am severe weather bulletin ng PAGASA, huling namataan ang bagyo sa layong 910 kilometro Silangan ng Tuguegarao City, Cagayan.

Taglay pa rin ng bagyo ang lakas ng hanging aabot sa 45 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 55 kilometro bawat oras.

Mabagal pa rin ang pagkilos ng bagyo sa bilis na 10 kilometro kada-oras sa direksyong pa-Kanluran.

Ayon kay weather forecaster Lorie dela Cruz, inaasahang dalawang araw pang babaybayin ng Bagyong Perla ang Philippine Sea bago makalapit sa landmass.

Inaasahan ding hihina ang bagyo at magiging low pressure area (LPA) na lamang kapag lumapit sa lupa.

Samantala, ngayong araw, inaasahan ang mahina hanggang katamtamang mga pag-ulan sa Cagayan, Batanes at Babuyan Group of Islands dahil sa northeasterly surface windflow.

Magpapaulan din ang intertropical convergence zone (ITCZ) sa buong Visayas, Zamboanga Peninsula at Caraga Region.

Sa nalalabing bahagi ng bansa kabilang na ang Metro Manila, maalinsangang panahon ang asahan maliban na lamang sa mga pag-ulang dulot ng localized thunderstorms.

Nakataas pa rin ang gale warning at ipinagbabawal ang paglalayag sa mga baybaying dagat ng Batanes, Cagayan kasama ang Babuyan Islands, Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union at Pangasinan.

Read more...