Clearing operations sa ilang bahagi ng Marawi City natapos na

Radyo Inquirer File Photo

Inanunsyo ni Marawi City Mayor Majul Gandamra araw ng Miyerkules na maaari nang makabalik sa most-affected area (MMA) ang mga residente ng lungsod.

Ito ay makaraang matapos na ng National Housing Authority (NHA) ang debris clearing operations.

Pero ayon kay Gandamra, hindi pa pwedeng patirahin ang mga residente dahil hindi pa liveable ang MAA.

Pababalikin pa lamang anya ang mga residente para sa muling pagtatayo ng kanilang mga bahay.

“Kailangan po natin klaruhin yun. Hindi po sila pababalikin para patirahin na, kasi hindi pa liveable ang MAA. Pababalikin sila para gawin ang kanilang bahay,” ani Gandamra.

Dahil dito, libu-libong aplikasyon na ang natatanggap ng lokal na pamahalaan para sa building permits.

Ayon kay Gandamra bago ang katapusan ng taon, maibibigay na ang permits para masimulan na ng mga residente ang muling pagtatayo ng kanilang mga bahay.

Higit 16,000 residente ng Marawi City ang nawalan ng tirahan matapos ang limang-buwang bakbakan na sinimulan ng ISIS-inspired Maute terror group noong May 23, 2017.

Samantala, hindi naman makapagbigay ng eksaktong petsa ang Marawi Joint Task Force (JTF) kung kailan maibabalik ang tubig at elektrisidad sa lungsod.

Ngayong araw ay anibersaryo ng Marawi liberation at magkakaroon ng isang wreath-laying ceremony at isang peace forum.

Read more...