PAGASA: Bagyong Perla mabagal ang kilos; mababa ang tyansa na lumakas pa
Napanatili ng Tropical Depression Perla ang lakas nito habang kumikilos nang mabagal sa ibabaw ng Philippine Sea.
Ayon sa 11pm severe weather bulletin ng PAGASA, huling namataan ang bagyo sa layong 985 kilometro Silangan ng Tuguegarao City.
Taglay pa rin nito ang lakas ng hanging aabot sa 45 kilometro bawat oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 55 kilometro kada oras.
Mabagal itong kumikilos sa direksyong pa-Kanluran.
Ayon kay PAGASA weather specialist Lorie Dela Cruz, inaasahang tatlong araw pa mamamalagi ang Bagyong Perla sa karagatan ngunit hindi na inaasahang lalakas pa ito.
Habang papalapit sa Extreme Northern Luzon, inaasahang hihina at magiging low pressure area (LPA) na lamang ang bagyo dahil sa umiiral na northeasterly surface windflow.
Sa Biyernes ng gabi o Sabado ng umaga, posibleng makaranas ng mga kalat-kalat ng pag-ulan sa Batanes, Cagayan kasama ang Babuyan Islands at Apayao dahil sa trough o extension ng Bagyong Perla.
Samantala, nakataas pa rin ang gale warning at ipinagbabawal ang paglalayag ng maliliit na sasakyang pandagat sa mga baybayin ng Batanes, Cagayan kasama ang Babuyan Islands, Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union at Pangasinan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.