P180M na halaga ng shabu nakumpiska, 2 Tsinoy, arestado
(UPDATE) Naaresto ang dalawang Filipino-Chinese sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Lawang Bato sa Valenzuela City.
Ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) isinagawa ang buy-bust sa harap ng isang gasolinahan sa Barangay Lawang Bato at doon naaresto ang dalawang Filipino-Chinese na sakay ng isang kulay puti na Chevrolet Venture.
Kinilala ang mga suspek na sina Sonny Ang – 67 anyos at Benito Sia Useco – 47 anyos.
Nakipaghabulan pa umano ang mga suspek sa raiding team bago sila na-corner malapit sa gasolohana.
Nang tunguhin naman ng mga otoridad ang subject ng search warrant na inisyu ni Executive Judge Fernando Sagun ng Quezon City Regional Trial Court Branch 78 ay nakuha doon ang labing dalawang Turret Milling Machine na gawa sa China.
Mistulang natunugan umano ang operasyon ng PDEA at PNP dahil walang tao na nadatnan sa bodega.
Sa nasabing warehouse tumambad sa otoridad ang kilo-kilong mga shabu na itinago ng mabuti. Maliban sa nakasilid sa mga plastic, ipinasok pa sa mga makina na ipinaloob pa sa mga crate ang nasabing mga shabu.
Sa pagtaya ng PDEA, aabot sa 36 kilos ang mga nasabat na shabu na nagkakahalaga ng 180 million pesos.
Nagtataka naman si PDEA Director III Ismael Fajardo Jr., kung bakit nakalusot sa Bureau of Customs ang mga naturang makina na galing ng China na hindi natutukoy na may lamang iligal na droga ang mga ito.
Nakabalot pa sa aluminum foil ang mga nakumpiskang shabu at isinilid sa naturang mga makina para itago.
Inihahanda na ng PDEA at PNP ang mga kaukulang kasong isasampa laban sa mga suspek.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.