State of Calamity idineklara sa barangay sa North Cotabato dahil sa clan war

MATALAM NORTH COTABATOIdineklara ang state of calamity sa isang barangay sa bayan ng Matalam, North Cotabato dahil sa nagpapatuloy na labanan sa pagitan ng dalawang Moro clans.

Ayon kay Felipe Maluenda, Barangay Captain ng Barangay Kidama, layon ng deklarasyon na magamit nila ang nakalaang calamity funds para matulungan ang mga apektadong pamilya,

Nasa 115 pamilya ang lumikas dahil sa engkwentro sa pagitan ng mga grupo mula sa Moro National Liberation Front (MNLF) at Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Nagsimula noon pang December 31 ang labanan o dalawang linggo na ang nakararaan.
Anim na ang nasawi at hindi bababa sa tatlo ang sugatan sa nasabing labanan.

Matagal na umanong may land dispute sa pagitan ng nagbabangayang grupo.

Sa kalapit na bayan na Pikit, dalawang residente naman ng Barangay Rajamuda ang nasawi at may iba pang nasugatan matapos maipit sa engkwentro ng dalawang grupo.

Ayon kay Pikit Municipal Disaster Risk and Reduction Management (MDRRM) office head Tahira Kalantongan ang isa sa mga nasawi ay isang babae na paalis lamang ng kaniyang bahay nang tamaan ng bala.

Ang isa namang nasugatan ay 10 taong gulang na batang lalaki na naghahanap ng mapagtataguan sa kasagsagan ng putukan.

Sa ngayon sinabi ni Kalantongan na hindi pa rin ligtas na bumalik sa kanilang mga tahanan ang mga evacuees.

Read more...