Isang gobernador, kakasuhan ng ARTA

Dudulog sa Office of the Ombudsman ang mga kinatawan ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) para maghain ng kaso laban sa isang gobernador sa Huwebes (October 17).

Ito ay dahil sa pang-iipit sa mga dokumento.

Sa pulong balitaan sa Malakanyang, sinabi ni ARTA director general Jeremiah Belgica na napatunayan sa kanilang imbestigasyon na sinadya ng gobernador na huwag ilabas ang dokumento.

Tumanggi naman si Belgica na tukuyin kung sinong gobernador ang kanilang kakasuhan.

Ayon kay Belgica, hindi rin mag-aatubili ang ARTA na kasuhan ang iba pang head agencies na tutulug-tulog sa kanilang trabaho.

Ibinida ni Belgica na sa loob ng 100 araw nila sa pwesto, nakapagsampa na sila ng walong kaso sa tanggapan ng Ombudsman laban sa mga opisyal ng gobyerno na lumabag sa anti-red tape law.

Kabilang aniya rito ang dalawang opisyal mula sa Registry of Deeds, isang alkalde ng isang siyudad, isang clerk, at tatlong opisyal ng Land Transportation Franchising ang Regulatory Board (LTFRB).

Sa ilalim ng bagong batas, hindi dapat na abutin ng isang linggo o hanggang tatlong araw lamang ang paglalakad ng publiko ng mga kailangan nilang dokumento para sa simpleng transaksyon, at 15 hanggang 30 araw lamang kung malalaki ang transaksyon para sa pagni negosyo.

Read more...