Malacañang: Gobyerno aaksyon laban kay Albayalde kung may ebidensya

Tiniyak ng Palasyo ng Malacañang na aaksyon ang administrasyon laban sa nagbitiw na si Philippine National Police (PNP) chief Gen. Oscar Albayalde kung may ebidensya na magtuturong may ginawa itong iregularidad.

Ito ay matapos sabihin ni Senate Blue Ribbon Committee chairman Sen. Richard Gordon na isang malaking ‘disappoinment’ kung walang reaksyon ang gobyerno sa posibleng pagsasampa ng reklamo laban kay Albayalde.

Sa press briefing, sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na ang presidente ang numero unong tagapagpatupad ng batas kaya’t kung may paglabag si Albayalde ay tiyak na sasampahan ito ng kaso at uusigin ng gobyerno.

“Bakit naman will not react? ‘Di ba the President is the number one enforcer of the law, so if there is evidence against any wrongdoing, then it behooves the government to file and prosecute,” ani Panelo.

Sinabi naman ni Panelo na hindi na mapapanagot pa sa kasong administratibo si Albayalde dahil wala na ito sa serbisyo.

“Sa administrative kasi tapos… Wala na, kasi kung wala na siya sa PNP,” ani Panelo.

Hindi naman kinumpirma ni Panelo kung pinagbitiw sa pwesto ni Pangulong Duterte si Albayalde.

Gayunman, narinig niya umano ang dating PNP chief na kausap si Interior Secretary Eduardo Año at sinabing pinaghahain siya ng terminal leave ng pangulo.

Samantala, Martes ng gabi naganap ang join command conference sa Malacañang ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) na pinangunahan mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Inaasahang kasama sa napag-usapan ang pipiliin ni Duterte bilang susunod na PNP-Chief.

Read more...