Robredo kay Marcos: “Between the two of us, alam ko hindi ako iyong robber”
Binanatan pabalik ni Vice President Leni Robredo si dating Sen. Bongbong Marcos sa patuloy nitong paggiit na dinaya siya sa halalan at nanakawan na ng tatlong taon sa serbisyo.
Sa panayam ng media matapos ang ruling ng PET araw ng Martes, sinabi ni Marcos na siya ang tunay na nanalong bise at nanakawan na ng kalahati ng termino.
“By conducting the cheating in the election, they robbed the proper vice president who won the election, myself, from the three years of service,” ani Marcos.
Pero, natawa si Robredo sa akusasyon ni Marcos at sa anya’y tapang nitong ipahayag ang kanyang sinabi.
Ayon kay Robredo, sa kanilang dalawa, hindi siya ang may ugaling magnakaw.
Pinasaringan pa ng bise presidente si Marcos at sinabing lahat ng kanyang naabot sa buhay ay kanyang pinagpaguran at wala siyang pekeng diploma at hindi tagapagpakalat ng pekeng balita.
Magugunitang iginiit ng dating senador na nagtapos siya sa Oxford University sa kursong Bachelor of Arts in Philosophy, Politics, and Economics ngunit sinabi mismo ng pamantasan na nakatapos lamang ito ng ‘special diploma’.
Sinabi ni Robredo na sa kanilang dalawa, alam niya na hindi siya ang magnanakaw.
“Parang nakakatawa naman na siya yung nagsasabi nun kasi between the two of us, parang hindi yata ako ang may ugaling mag-rob. Between the two of us, lahat ng na-achieve ko pinagpaguran ko. Wala akong fake diplomas, wala akong anything. Hindi ako naglalabas ng fake news. Parang dapat, hindi niya kaya iyon sabihin kasi between the two of us, alam ko hindi ako iyong robber,” ani Robredo.
Nanalo si Robredo sa noong 2016 elections na may lamang na 263,473 votes laban kay Marcos.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.