Isang barangay health worker, natagpuang patay sa loob ng bahay sa Cebu

By Angellic Jordan October 15, 2019 - 09:55 PM

Natagpuang patay ang isang barangay health worker sa bahay sa Naga City, Cebu Martes ng umaga.

Ayon sa Naga City police, nakita ng kapitbahay ng biktimang si Rosario Alperez Canda, 53-anyos, na wala na itong malay sa loob ng kaniyang kwarto sa Sitio Isabela sa Barangay Pangdan bandang 8:00 ng umaga.

Mayroon anilang mga saksak sa katawan ang biktima.

Ilan sa mga tinitignang anggulo sa krimen ay love triangle at personal na galit sa biktima.

Nakita kasi ng mga imbestigador sa cellphone ng biktima ang ilang mensahe na posibleng may karelasyon itong lalaki.

Maliban dito, aktibo rin si Canda sa barangay at napaulat na hawak nito ang listahan ng mga drug surrenderer sa lugar.

Si Canda ay mas nakababatang kapatid ni Barangay Pangdang Councilor Andy Alperez.

Sa ngayon, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa krimen.

TAGS: barangay health worker, cebu, naga city, Rosario Alperez Canda, barangay health worker, cebu, naga city, Rosario Alperez Canda

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.