Shelter plan para sa mga informal settler sa Quezon City, binuo na
Bumubuo na ang Quezon City government ng bagong shelter plan para sa mahigit 215,000 informal settler families sa lungsod alinsunod sa itinatakda ng Housing Code ng lokal na pamahalaan.
Ito ang sinabi ni Mayor Joy Belmonte kaugnay ng planong pagtatayo ng in-city relocation para sa mga settlers ng lunsod.
Aniya, magtatayo ang lokal na pamahalaan ng mid to high rise structures na may kaukulang payment scheme options upang higit na mapadami ang makikinabang sa ganitong uri ng programa.
Sinabi ni Belmonte na kabilang sa township ay ang pagpapatayo ng support structures tulad ng police station, super health center, learning institutions, open spaces, sports facilities at commercial area.
Ayon kay Belmonte, inaayos na ang Housing, Community Development and Resettlement Department upang higit na makatugon sa mga pangangailangan ng mga informal settler sa lungsod.
Aniya, nakabili na rin ang lokal na pamahalaan ng lupa sa Payatas at Tofemi property sa Bagong Silangan para sa higit na 4,000 pamilyang benepisyaryo naman ng naturang mga lugar.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.