‘Supreme drug lord’ protector, nananatili sa kapangyarihan – Sison
Inihayag ni Communist Party of the Philippines (CPP) founder Jose Maria Sison na nananatili pa rin sa kapangyarihan ang aniya’y “supreme drug lords protector.”
Ito ay kasunod ng pagbibitiw sa pwesto si Philippine National Police (PNP) chief General Oscar Albayalde.
Sa inilabas na pahayag sa Facebook, sinabi ni Sison na ang pagbibitiw sa pwesto ni Albayalde at pagpapalit ng pinuno ay hindi magbibigay ng pagbabago para sa taumbayan.
“The resignation of Albayalde and replacement by another one appointee of Duterte will not bring changes favorable to the people. The supreme protector of drug lords remains in power and even condones the exposed corruption of Albayalde,” pahayag ni Sison.
Bwelta pa ni Sison, ang kriminalidad at korapsyon ng mga pulis ay sumasalamin sa pagiging bulok ng rehimeng Duterte.
Nangako aniya na reresolbahin ang problema sa ilegal na droga ngunit ang totoo ay nagbebenepisyo aniya rito sa pamamagitan ng kapangyarihan.
Simula pa lamang sa umpisa, sinabi ni Sison na ipinatupad ang aniya’y ‘bogus’ na war on drugs campaign para dominahan ang sariling grupo ng mga drug lord, heneral at gobernador sa ilegal na transaksyon ng droga.
Hindi naman pinangalanan ni Sison kung sino ang kaniyang itinuturong protektor ng mga drug lord.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.