DOLE, nagbabala sa publiko ukol sa mga pekeng alok na trabaho sa social media

Nagbabala sa publiko ang Department of Labor and Employment (DOLE) ukol sa pekeng trabaho na inaalok sa social media.

Ayon sa kagawaran, nakatanggap ng reklamo ang DOLE Information and Publication Service (IPS) mula sa isang ‘Mary’ ukol sa local job opportunity sa isang Arthur Villena na nagtatrabaho umano sa DOLE.

Nakakuha aniya siya ng detalye sa ‘DOLE Job Assistance-Local and Abroad’ Facebook page.

Kasama rin sa page ang official logo ng DOLE, mga larawan ng mga training at larawan ni dating Labor Secretary Rosalinda Baldoz.

Nai-report na ng DOLE IPS ang nasabing page at nakipag-ugnayan na sa Facebook para burahin ang page na makakabiktima pa ng mga naghahanap ng trabaho.

Kasunod nito, hinikayat ng mga aplikante na bisitahin ang opisyal na website ng DOLE na www.dole.gov.ph.

Maaari ring pumunta sa website ng PhilJobNet na www.philjobnet.gov.ph para sa mga lokal na trabaho habang sa website naman ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) sa www.poea.gov.ph para sa overseas job orders at listahan ng mga lisensyadong recruitment agencies sa bansa.

Read more...