Manila Water, binatikos dahil sa pamba-blackmail matapos pagmultahin ng Korte Suprema

Kuha ni Erwin Aguilon

Binanatan ni Buhay partylist Rep. Lito Atienza ang Manila Water dahil sa babala nito na posibleng tumaas ng 780 percent ang singil sa tubig.

Ito ay matapos silang patawan ng P921 milyong multa ng Korte Suprema dahil sa paglabag sa
Clean Water Act at sa kabiguang magtayo ng wastewater treatment facilities gaya ng nakasaad sa kontrata nila sa gobyerno.

Tinawag ni Atienza na arogante ang Manila Water dahil sa halip na sumunod sa utos ng korte ay mistulang namba-blackmail pa sa pamamagitan ng pagbabanta sa consumers.

Ipinaalala ng kongresista sa kumpanya na sa nakalipas na 22 taon ay naniningil ito ng “environmental fee” para sa sewer lines na kokonekta sa lahat ng kabahayan sa wastewater treatment facilities.

Iginiit rin nito sa gobyerno na repasuhin o kung kinakailangan ay ipawalang-bisa ang concession agreement.

Binigyang diin ng mambabatas na hindi talaga dapat isinasapribado ang mga pangunahing pangangailangan ng mga tao dahil puro kita lang ang nasa isip ng mga negosyante.

Read more...