Nur Misuari, namataan sa Sulu

By Jay Dones January 12, 2016 - 04:07 AM

 

Inquirer file photo

Namataan ang dating ARMM Governor at Moro National Liberation Front Chairman na si Nur Misuari sa lalawigan ng Sulu kung saan nagpulong ang mahigit-kumulang sa 2,000 miyembro at tagasuporta ng samahan kamakailan.

Wanted sa batas si Misuari dahil sa kinakaharap nitong mga kaso ng murder sa pagpapasimuno umano ng Zamboanga siege noong 2013 na ikinamatay ng nasa 200 katao.

Kinumpirma ni Brig. Gen. Alan Arrojado, commander ng 501st Army Brigade na nagtungo si Misuari sa pagpupulong na ginanap sa Barangay Kagay sa bayan ng Indanan.

Gayunman, hindi nila aniya binalak na arestuhin ang MNLF leader dahil ang PNP aniya ang dapat na magsilbi ng warrant of arrest sa sinumang wanted sa batas.

Samantala, ayon kay Habib Hashim Mudjahab, chair ng Islamic Command Council ng MNLF o ICC-MNLF, isang uri ng general leadership meeting ang naganap kung saan tinutukan ang kanilang mga paghahanda sa nalalapit na Organization of Islamic Cooperation tripartite meeting.

Ang OIC conference ay nakatakdang isagawa sa Jeddah, Saudi Arabia sa January 25-27 kasabay pagtatalaga kay Alibashier Sidri bilang bagong chairman ng Bangsamoro Parliament kapalit ng namatay na si Ustadz Zain Jali.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.