Operator ng SLEX at Skyway posibleng pagmultahin
Posibleng patawan ng multa ang operator ng South Luzon Expressway (SLEX) at Skyway dahil sa nararanasang matinding traffic ngayon sa northbound lane ng SLEX.
Ayon kay Raymundo L. Junia, kumakatawan sa pribadong sektor sa Toll Regulatory Board (TRB), maaring magpataw ang TRB ng multa sa operator ng dalawang expressway dahil sa kabiguang matugunan ang problema sa traffic.
Ayon kay Junia, isa sa pinag-aaralan din ngayon ng limang miyembro ng board ay ang bawasan ang toll na sinisingil sa SLEX.
Bahagi ng board sina Transportation Secretary Arthur Tugade, Public Works Secretary Mark Villar, Finance Secretary Carlos Dominguez III at Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia.
Sa ngayon sinabi ni Junia na hinihintay nila ang magiging alok sa panig ng SLEX at Skyway sa kung anong maaring maibigay nilang kapalit sa mga napeperwisyong motorista at mga pasahero.
Nagsimula ang kalbaryo ng mga dumaraan sa northbound ng SLEX nang isara ang bahagi ng Alabang Viaduct noong gabi ng Sept. 24.
Ang closure ay dahil sa nagpapatuloy na konstruksyon ng P10-billion Skyway extension project.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.