Ayon sa 4am weather update ng PAGASA, nakakaapekto ang isang inter-tropical convergence zone (ITCZ) sa buong Mindanao at Palawan habang northeasterly surface windflow naman ang umiiral sa Luzon.
Mayroon ding shallow low pressure area (SLPA) na binabantayan sa labas ng PAR.
Hindi inaasahang maging bagyo ang SLPA ngunit posibleng magdala ito ng mga pag-ulan sa eastern sections ng Visayas at Southern Luzon.
Sa Metro Manila, Northern at Central Luzon at Bicol Region, maalinsangang panahon pa rin ang mararanasan na may posibilidad ng mga pag-ulan dulot ng localized thunderstorms.
Dahil naman sa epekto ITCZ, inaasahan ang maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan, pagkulog at pagkidlat sa Palawan, Western Visayas, Zamboanga Peninsula at Northern Mindanao.
Sa nalalabing bahagi ng Visayas at Mindanao, inaasahan ang maalinsangang panahon maliban na lamang sa mga pag-ulan dulot ng localized thunderstorms.
Nakataas naman ang gale warning at ipinagbabawal ang paglalayag sa mga baybaying dagat ng Batanes, Calayan, Babuyan, northern coast ng Cagayan at Ilocos Norte.