Libu-libong deboto ang sumama sa prusisyon sa Sto. Domingo Church sa Quezon City, araw ng Linggo para ipagdiwang ang Kapistahan ng Birhen ng Santo Rosaryo, La Naval de Manila.
Ang Kapistahan ng La Naval de Manila ay paggunita sa tagumpay ng limitado at kakarampot na Spanish at Filipino Catholic forces laban sa 19 na barkong Dutch invaders noong 1646.
Ang tagumpay ay itinuturong bunga ng panalangin ng Inang Maria, ang Birhen ng Santo Rosaryo.
Pinayuhan noon ng Dominican friars ang mga Espanyol at Filipinong sundalo na dasalin ang Santo Rosaryo bago ang mga engkwentro sa mananakop.
Bilang pasasalamat sa Diyos at sa Birheng Maria, itinakda tuwing ikalawang Linggo ng Oktubre ang Kapistahan ng La Naval de Manila.
Simula noon, dinadagsa ang prusisyon ng Birhen sa Intramuros at nanatiling malawak ang debosyon kahit nasira ang kanyang dambana sa Intramuros at inilipat sa lungsod Quezon.
Sa kanyang homilya sa Misa Concelebrada Linggo ng hapon, hinikayat ni Cubao Bishop Honesto Ongtioco ang mga deboto na panatilihin ang pananampalataya sa Diyos dahil magbubunga ito ng tagumpay tulad noong 1646.
“Anuman ang kalaban natin, hindi kayang talunin kahit anong gamiting sandata, patalim o baril, hindi masusugpo. Tanging sa panalangin lamang maaari nating masugpo anuman ang kalaban o kaaway natin ngayon,” ani Ongtioco.
Ayon kay Ongtioco, sa labanan noong 1646, malinaw na kapangyarihan ng Diyos ang nagwagi para mapanatili ang pananampalataya ng bansang Pilipinas.