7 retiradong opisyal ng AFP, sibak na sa BOC

By Kathleen Betina Aenlle January 12, 2016 - 03:05 AM

Inquirer file photo

Sinibak na sa Bureau of Customs (BOC) bilang mga district collectors ang limang retiradong heneral at dalawa pang dating opisyal rin ng militar.

Pinangalanan na ng BOC ang mga ipapalit nila sa mga pwestong iiwanan ng mga retiradong opisyal na nakatalaga sa mga malalaking ports sa bansa simula pa noong 2013.

Ang mga retiradong heneral na nabanggit ay sina Mario Mendoza, Elmir de la Cruz, Esteban Castro, Arnulfo Marcos at Bonifacio de Castro, kasama sina retired Army Col. Ernesto Benitez at Army Maj. Jerry Loresco.

Base sa pagtutukoy ni Customs Commissioner Alberto Lina, ang papalit kay Menodza sa Port of Manila ay si Nicky Earl Hortillas, at si Antonio Pascual naman para kay De la Cruz sa Manila International Container Port.

Si Cecilio Gallo naman ang papalit kay Castro sa Clark International Airport, si Reynaldo Galeno kay Benitez sa Port of Batangas, at si Rico Rey Francis Holganza na papalit kay Marcos sa Port of Cebu.

Ang Port of Zamboanga naman na dating hawak ni Loresco ay mapupunta na kay Benhur Arabani, habang si Romeo Allan Rosales naman ang papalit kay De Castro sa Port of San Fernando.

Sa isang pahayag, sinabi rin ni Lina na maging si Rolando Ricafrente na district collector ng Limay port sa Bataan ay papalitan na rin, pero kinokonsidera pa rin.

Ayon kay Valenzuela Rep. Magtanggol Gunigundo, matagal na dapat ang pagpapatanggal sa pwesto ng mga nasabing dating opisyal ng Armed Forces of the Philippines.

Ani Gunigundo, karapat-dapat lang na tanggalin at palitan ang pito dahil sila ay mga “illegal and inutile” dahil mas bumaba pa ang kita ng Customs sa ilalim ng kanilang pamamahala.

Ang pagtatalaga rin aniya sa mga retiradong heneral ay hindi naging magandang experiment na ginawa sa kasagsagan ng palitan nina dating Customs Commissioner Ruffy Biazon at John Philip Sevilla. May mga sources naman ang Inquirer sa loob ng Customs na ang pagpapalit umano ng set ng mga opisyal ay may kaugnayan sa paglilikom ng pondong pang-kampanya ngayong halalan.

Dahil dito, tiyak anila na maraming mga traders at smugglers na magrereklamo sa mas mataas na ‘tara’ o mga sinisingil ng tiwaling opisyal ng BOC para mapadali ang pagpasok ng mga produkto.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.