Panelo 6 na buwan dapat mag-commute ayon sa isang grupo

Hindi lang isang araw kundi anim na buwan dapat na mag-commute si Presidential Spokesman Salvador Panelo.

Ayon sa commuter group na Kongreso ng Mananakay, hindi sapat ang halos apat na oras sa isang araw na biyaheng naranasan ni Panelo kaya dapat na matagal ang pagko-commute ng kalihim.

Paliwanag ng grupo, ang pagkasa ni Panelo sa “commute challenge” ng isang araw lamang ay kulang para maging batayan ng tindi ng problema sa transportasyon ng mga pasahero.

Pero sinabi ni Panelo na “pointless” na para gawin niya muli ang “commute challenge.”

Giit ng opisyal, alam niya ang hirap ng mga pasahero bago pa man siya kumasa sa hamon.

Tiniyak naman nito na ginagawa ng administrasyon ang lahat para maresolba ang problema sa transportasyon.

Sa kanyang pag-commute araw ng Biyernes ay mahigit tatlong oras sa biyahe si Panelo mula Marikina hanggang sa Malakanyang.

 

Read more...