Bagong silang na sanggol inabandona sa isang kakahuyan sa Camarines Sur
Himalang nakaligtas ang isang bagong silang na sanggol na babae na inabandona ng sariling ina sa may kakahuyang malapit sa dagat sa Brgy. Bonot sa bayan ng Calabanga, Camarines Sur kamakalawa ng hapon.
Ayon sa ulat ng ilang residenteng nakakita sa sanggol, agad nilang hinanap ang sanggol nang marinig ng ilang mga kabataang naglalaro sa may kakahuyan ang iyak nito.
Nakadapa ang sanggol at may nakakabit pang umbilical cord at placenta habang pinapapak ng mga langgam ang mukha at iba pang bahagi ng katawan nito.
Agad na rumesponde naman ang mga rescuers sa paghingi ng saklolo ng mga bata at agad ito dinala sa Rural Health Unit ng Calabanga para mabigyan ng paunang lunas bago ito isugod sa Bicol Medical Center sa Naga City.
Pinangalanan naman ng residente ang sanggol bilang si “Angela Mikah”.
Samantala, kasalukuyan pa ring hinahanap ng mga pulis ang Ina o ang suspek na salarin sa nangyaring insidente.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.