Si Veloso ay kasalukuyang nakakulong sa Yogyakarta, Indonesia dahil sa pagpupuslit doon ng iligal na droga.
Dahil sa nasabing desisyon ng hukuman ay pwede na lamang magbigay ng kanyang testimonya si Velasco mula sa kanyang selda at pwede ring magpadala ng tanong sa kanya ang mga abogado ng mga sinasabing recruiter o handler ng nasabing Pinay.
Noong Miyerkules ay kinatigan rin ng Supreme Court ang petisyon ng mga abogado ni Veloso kasabay ng pagbasura sa naunang desisyon ng Court of Appeals na humaharang sa desisyon ng Nueva Ecija Regional Trial Court (RTC) na hayaan ang prosecution team na kunin ang deposition ng akusado.
Base sa desisyon na isinulat ni Justice Ramon Paul Hernando, pinapayagan nito ang RTC na kunin ang pahayag ni Veloso sa tulong ng Philippine consular officials alinsunod na rin sa mga batas na umiiral sa n Indonesia.
“To disallow the written interrogatories will curtail Mary Jane’s right to due process,” ayon pa sa Supreme Court.
Sinabi ni Atty. Edre Olalia, pangulo ng National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL), na isang welcome development ang naging hakbang ng Mataas na Hukuman sa kaso ni Veloso.
“With this ruling, we are hopeful that the truth, the whole truth, and nothing but the truth will come out and that … it will decisively and ultimately impel Indonesia to make [Veloso’s] reprieve permanent, or free her by any legal or political means,” ayon kay Olalia.
Noong April 2010 ay nahulihan ng 2.2 kilo ng shabu si Veloso pagdating niya sa Yogyakarta airport sa Indonesia.
Makaraan ang ilang buwang pagdinig ay nahatulan siya ng death penalty sa pamamagitan ng firing squad.
Noong April, 2015 ay nabigyan si Veloso ng last-minute reprieve makaraang sumuko ang kanyang recruiters na sina Maria Cristina Sergio at ang live-in partner nito na si Julius Lacanilao sa Nueva Ecija.
Sinabi ni Veloso na sina Sergio at Lacanilao na kanyang kapit-bahay sa Talavera, Nueva Ecija ang nagpadala sa kanya ng maleta na naglalaman ng iligal na droga.